Fans

Friday, August 24, 2012

Carlo Rodriguez Story


By: Paolo Ases




Ako si Carlo Rodriguez. Bata pa ako ay malaking bulas na ang pangangatawan. Makulit ako noong una pero nawala lang ang ugali kong ito nang makilala ko si Hazel.

Kaklase ko siya mula first year hanggang third year high school.

Matangkad siya at sabi nga ng mga kaibigan ko ay bagay daw kami dahil parehong malaki. Morena at maganda ang pangangatawan.

Lalo pa ngang gumanda si Hazel nang ganap na maging dalaga.

Dahil magkakaklase, kilala na namin lahat ang bawat isa ngunit hindi ko pa gaanong napapansin noon si Hazel.

Ngunit unang pagkakita ko pa lang sa kanya ay nagandahan na ako subalit hanggang doon lang.

Nag-umpisa ko lang siyang mapansin nang baguhin ng class adviser ang seating arrangement namin.

Pinagsalit-salitan ng upuan ang mga babae’t lalaki at hindi sinasadyang nagkatabi kami.

Mula noon ay madalas ko na siyang kinukulit kapag wala pa ang titser namin.

Asar siya noong una dahil sa pangungulit ko at hindi nga ako iniimik para lang siguro tigilan ko siya.

Hanggang sa parang nagsawa ako sa basta pangungulit lang sa kanya.

Naging mapangahas ako at isang beses ay hinimas ko siya sa binti. Galit na galit sa akin si Hazel.

Mangiyak-ngiyak pa nga dahil binastos ko raw siya at nagbanta pa na magsusumbong sa titser namin. Buti na lang napakiusapan ko matapos kong suyu-suyuin para hindi makarating sa titser namin ang ginawa ko.

Sa halip na tumigil ay parang nasarapan ako sa ginawa sa kanya. Pinalipas ko lamang ang ilang araw at inulit kong gawin sa kanya iyon.

Tulad ng dati, galit na galit si Hazel ngunit hindi na umiyak sa halip ay tumayo mula sa kanyang kinauupuan at sinampal ako.

Nakakatulig ang dapo ng kanyang palad sa mukha ko at nakakahiya sa buong klase na pinagtawanan ako, lalo na ng mga babae. Buti na lang wala pa ang titser namin.

Nagpapasalamat ako sa loob-loob ko dahil wala pa ang titser namin pero pagdating nito ay hindi pa pala kuntento si Hazel sa ginawa sa akin.

Isinumbong niya ang ginawa ko. Nagalit ang titser namin at tinawag ang pangalan ko sabay pinapunta sa harapan ng klase.

Pinapunta rin si Hazel sa harap ng klase at magkatabi kaming nakatayo.

Akala ko kung ano lang ang gagawin sa amin pero inutusan ako na lumuhod daw at humingi ng tawad kay Hazel.

Atubili sana akong sundin ang ipinag-uutos sa akin dahil mas malaking kahihiyan ang aabutin ko.

Hiyang-hiya talaga ako lalo pa’t nakikita ko sa mukha ng mga kaklase namin na nakangiti at ang iba’y pinipilit na huwag matawa ng malakas sa takot marahil na mapagalitan din sila.

"Ano, hindi ka ba susunod?" sabi sa akin ng titser namin.

Hindi na lang ako umimik at yuko ang ulong lumuhod sabay hingi ng tawad kay Hazel.

Hindi kumikibo si Hazel pero nang tumingin ako sa kanya ay bakas pa rin ang galit sa akin na nahalulan pa ng pagkapahiya.

Kahit ako lang ang may kasalanan napahiya rin siya sa klase namin dahil sa kagagawan ko.

Bukod sa parusang inabot ko, pinaghiwalay rin kami ng upuan.

Pero ako lang ang inilipat sa bandang likuran habang si Hazel ay nanatili sa kanyang puwesto.

Pinagsabihan din ako ng titser namin na ayaw na raw niyang mababalitaan na ginawa ko ulit iyon dahil ipatatawag na niya ang aking mga magulang.

Si Hazel ay sinabihan naman na huwag daw matatakot magsumbong kapag binastos ko ulit siya.

Naging tahimik na ako magmula noon. Hindi ko na magawa ang dating pangungulit sa mga kaklase ko sa takot na baka isumbong din ako ng iba.

Araw-araw, pagpasok sa klase namin ay nakapirme na lang ako sa upuan pero nakikipagbiruan pa rin sa mga kaklase kong lalaki na tsokaran ko.

Medyo pino na nga lang ang kilos ko para walang masabi laban sa akin.

Doon din nag-umpisang mapansin ko ang kagandahan ni Hazel.

Kung hindi marahil sa ginawa ko sa kanya ay hindi ko pa siya mapapansin.

Gusto ko sanang kausapin siya at hihingi ulit ako ng tawad kahit wala kami sa harapan ng titser namin pero nag-aatubili ako.

Baka sa halip na makipag-usap siya sa akin ay mapapahiya lang ako.

Nagkasya na lang ako na palihim siyang pagmasdan.

Minsan, sinasadya ko na magkatinginan kami. Kapag nangyayari ito ay nginingitian ko si Hazel pero negative ang reaksyon sa kanyang mukha.

Hindi naman ako iniirapan pero patay-malisya lang na para bang hindi niya ako nakitang nginitian ko siya.

Sa kabila nito ay hindi ako nawalan ng pag-asa na babatiin ulit niya ako at muling maging magkaibigan kami.

Doon nagsimulang umusbong ang pagkakagusto ko sa kanya.

Nagsilbing inspirasyon ko si Hazel pero wala pang nakakaalam nito sa mga kaklase namin at maging sa mga malalapit na kaibigan kong lalaki sa klase.

Sipag at tiyaga ang ginamit ko para muling mapaamo si Hazel at magkalapit kami.

Valentine’s Day noon, naisipan kong bigyan siya ng bulaklak. Isang piraso lang na ipinaabot ko sa isang kapitbahay namin na nag-aaral din doon sa eskuwelahan namin.

Sinadya kong kapitbahay namin ang magbigay ng bulaklak dahil walang nakakaalam sa kanya sa klase namin na magkakilala kami.

Mahigpit ang bilin ko na huwag aalis hangga’t hindi tinatanggap ni Hazel ang bulaklak. May kalakip pa itong sulat na pinagawa ko pa sa pinsan kong babae.

Kumakalabog ang dibdib ko pagdating ng kapitbahay namin na dala ang bulaklak at sulat. Ipinataon ko sa kanya na wala pa ang titser namin dahil baka mag-usisa pa.

Kantiyawan ang mga kaklase ko nang makitang inaabot kay Hazel.

Ayaw abutin noong una pero sa kapipilit na rin ng kapitbahay ko na napag-utusan lang siya ay tinanggap din.

Nag-oobserba lang ako matapos tanggapin ni Hazel ang padala ko. Nang buksan niya ang kasamang sulat ay nakibasa rin ang ibang babae na katabi niya ng upuan.

Kantiyawan ulit pero pinigilan sila ni Hazel nang babasahin sana ng malakas ang nilalaman ng sulat.

Maiksing mensahe lang naman iyon ngunit sinigurado ng pinsan ko na siyang sumulat na matutuwa raw ang babaeng padadalhan ko kapag nabasa.

Hindi doon natapos. Inulit ko hanggang sa maging madalas.

Iisa lang ang tumatayong messenger ko, ang kapitbahay namin.

Kabilin-bilinan ko sa kanya na kahit anong pilit ay huwag siyang magtatapat kung sino ang nagpapadala kay Hazel.

Minsan, isang pirasong bulaklak lang at minsan ay sulat lang. Iyon ang naging paraan ng panliligaw ko sa kanya.

Walang nakakatunog na ako ang taong pilit na tinatanong ni Hazel sa kapitbahay namin, kung sino ang nagpapadala sa kanya.

Alam ko rin na naghihinala siyang maaaring nasa loob lang ng klase namin ang taong kanyang hinahanap pero wala namang makapagsasabi sa kanya dahil walang nakakaalam sinuman sa mga kaklase namin.

Nagpatuloy ang ganung modus operandi ko sa pakikipagkutsabahan ng kapitbahay namin.

Ang taong ito nga pala na tumutulong sa akin ay kababata ko bagama’t isang taon ang agwat ng edad ko sa kanya.

Kaya laking pasasalamat ko sa kanya nang sagutin ako ni Hazel.

Bale ganito ang nangyari. Nang mag-deliver ulit siya ng sulat ay nakita kong inabutan din ng sulat ni Hazel.

Tinatanong ni Hazel sa kanyang sulat kung sino raw ako at kung puwede ay magpakita na sa kanya. Kapag hindi pa raw ako lumantad ay hindi na niya tatanggapin pa kahit ano’ng ibigay ko.

Hindi ako bumigay sa banta niya. Sinundan ko pa ulit para masubukan, eh tinanggap pa kaya tama lang ang kutob ko na hinuhuli lang niya kung sino ako. Natigil lang noong sinundan ko ulit dahil ayaw na talagang tanggapin.

Umisip kami ng paraan kung ano ang nararapat na kong gawin.

Payo ng kababata ko ay makabubuting lumantad na raw ako, tutal matagal ko na rin nililigawan sa pamamagitan ng sulat at bulaklak si Hazel.

Ayoko naman dahil ang ikinatatakot ko ay baka mapahiya lang ako. Nagtalo pa kami ngunit bandang huli ay nanaig ang gustong mangyari ng kababata ko at payo niya ang nasunod.

Sinorpresa na lang namin si Hazel nang mag-uuwian na.

Itinaon namin na wala siyang kasama. Humarap ako sa kanya kasama ang kababata ko.

Papalapit pa lang kami ay nakita na kaagad ako ni Hazel at halatang naiilang siya.

Hindi tumitingin sa akin at kapag tinitingnan ko naman ay halatang umiiwas na magtama ang aming mga mata.

Unang nagsalita ang kababata ko at ang sabi, kasama na niya ang lalaking nagpapadala sa kanya ng sulat at bulaklak at matagal nang gustong makilala.

Kitang-kita sa mukha ni Hazel ang pagba-blush.

Siguro nga habang papalapit pa lamang kami sa kanya ay alam na niyang ako ang misteryosong lalaki na nagtatago sa likod ng sulat at bulaklak.

Hindi umiimik si Hazel.

Ako naman ay parang naumid ang dila dahil walang maapuhap na sasabihin.

Ang lakas ng kalabog ng dibdib ko.

Hindi naman ako tiyope sa panliligaw subalit sa mga oras na iyon ay parang nawalan ako ng sapat na lakas ng loob na magsalita sa harap ng babaeng aking nililiyag.

Mabuti na lamang at maagap ang kababata ko na nagbiro pa para mawala raw ang pagkakailang namin sa isa’t isa ni Hazel.

Bumuntong-hininga ako ng malalim na para bang kumukuha muna ng lakas para makapagsalita.

Hanggang sa wakas may nasabi rin ako.

Unang nasabi ko sa kanya ang paghingi ng tawad sa mga ginawa ko sa kanya noon.

Ang wika ko ay patawarin na niya ako at sana’y makalimutan na niya ang nakaraang kalokohan ko.

Ayaw pa rin magsalita ni Hazel at sa halip ay nagpatuloy sa paglalakad papuntang labasan.

Para naman kaming mga asong bubuntut-buntot ng kaibigan ko sa kanya.

Sumesenyas na ako sa kaibigan ko na magpaalam na lamang kay Hazel dahil mukhang ayaw talaga akong patawarin ngunit sinisenyasan din niya ako na huwag mawawalan ng tiwala sa sarili.

Nang makalabas na kami sa campus ay ganun pa rin ang ipinapakita ni Hazel sa amin ng kaibigan ko.

Gusto ko nang sumuko talaga kung hindi lang ako sinisenyasan ng kaibigan ko para ituluy-tuloy na ang pag-uusap namin ni Hazel.

Hanggang sa makarating na kami sa kanto malapit sa daanan ng mga sasakyan at doon nagsalita si Hazel.

Sa wakas, nabuhayan ako ng loob sa mga unang salita pa lamang na kanyang binitawan.

Sa kaibigan ko pa muna niya idinaan ang pagtatanong.

Sabi ni Hazel sa kaibigan ko, bakit kailangan pa raw nitong samahan ang taong inilalakad sa kanya.

Bakit daw, hindi ko raw ba kayang humarap sa kanya ng nag-iisa lang?

Lihim kaming nagngitian ng kaibigan ko. Kinindatan ako sabay paalam kay Hazel na mauuna na siya at iiwan ako.

Noon lang kami nakapag-usap ng masinsinan ni Hazel.

Humingi muli ako ng tawad sa mga kalokohang ginawa ko sa kanya. Pinagsisihan ko na kako at kung ano man ang nakaraan sana’y kalimutan na naming dalawa.

Matagal na rin daw niya akong pinatawad.

Kinalimutan na nga raw niya ang galit noon sa akin, tutal napagalitan na raw ako ng titser namin.

Isa pa, humingi na rin ako ng tawad sa kanya noon pa at sa harap pa mismo ng titser at mga kaklase namin.

Tinanong ako ni Hazel kung bakit ngayon lang daw lumantad sa kanya.

Katulad ng pangamba ko noon, inamin ko sa kanya na natatakot ako, baka kapag nalaman niya na ako ang taong sumusulat at nagbibigay sa kanya ng bulaklak ay hindi niya ako kibuin at baka mapahiya lang kapag humarap sa kanya.

Totoo kako ang mga sinabi ko sa kanya sa sulat nguni’t hindi ako makaharap dahilan sa nasabing pangamba.

Ilang saglit din ang lumipas na hindi kumikibo si Hazel at tila pinag-aaralan ang mga sinabi ko.

Ako naman ay parang naubusan ng sasabihin dahil biglang naumid ang dila ko.

Pilit akong nag-aapuhap ng masasabi nguni’t walang lumalabas sa aking bibig.

Nang mga sandaling ito ay tumigil na kami sa paglalakad.

Nakatayo lang kami sa kalsada. May mga taong napapatingin sa amin at ang iba nga’y mga lalaki pa na napapangiti at siguradong iniisip nila na nagliligawan o syota ko na si Hazel at may tampuhan lang. Pero hindi ko na sila pinansin. Umiikot ang isip ko noon sa aming dalawa lamang ni Hazel.

Maya-maya’y humakbang uli si Hazel. Ang sabi sa akin uuwi na raw siya.

Tinanong ko kung papayag siya na ihatid ko. Subali’t hindi niya ako sinagot, sa halip ay pinabayaan lamang na sumabay sa kanya.

Seryoso ang usapan namin ni Hazel. Personal ko nang ipinagtapat sa kanya ang lahat ng niloloob ko.

Kung papaano ako nagkagusto sa kanya buhat noong mapagtanto ko ang aking pagkakamali hanggang sa nagpasya akong ligawan siya.

Naghiwalay kami ng araw na iyon na hindi ako binigyan ng pag-asa ni Hazel.

Hinayaan niyang magsalita ako nang magsalita nguni’t paminsan-minsan ay nagtatanong din siya.

Bagama’t walang kasiguruhan kung ano ang kanyang kasagutan sa panliligaw ko ay masaya pa rin na umuwi ako sa bahay namin ng araw na iyon.

Ang mahalaga ay nasabi ko na sa kanya ng personal ang lahat ng ibig kong sabihin noon pa man. Nasa kanya na ang kapasyahan kung tatanggapin ako.

Maaliwalas ang gising ko kinabukasan kahit hindi ako makatulog ng maayos sa nakaraang magdamag dahil sa kakaisip tungkol sa pag-uusap namin ni Hazel.

Halos magdamag akong nag-iisip kung ano ang magiging sagot niya sa panliligaw ko.

Maaga akong pumasok. Gusto ko siyang makita agad ng araw na iyon. Nguni’t pagdating ko ay wala siya.

Hindi pumasok at walang nakakaalam kung bakit. Napalitan ng lungkot ang dapat sana’y masayang araw ko.

Wala sa loob ko ang mga pinag-aaralan namin dahil nag-iisip ako kung bakit wala si Hazel.

Dala-dala ko ang alalahaning iyon hanggang sa pag-uwi ko. Nguni’t napawi rin nang malaman ko kinabukasan na wala naman palang mabigat na dahilan kung bakit lumiban si Hazel. Masama lang daw ang kanyang pakiramdam, ayon na rin sa paalam niya sa titser namin.

Pag-uwian kinahapunan ay hinintay ko ang kanyang pagdaan doon sa dating lugar kung saan namin siya inabangan ng kaibigan ko.

Laking pasasalamat ko dahil dininig ang dasal ko na sana’y wala siyang kasabay.

Nang makita ako ni Hazel di-kalayuan pa lamang siya sa pinaghihintayan ko ay lumapit na agad ako sa kanya.

Binati ko at kinumusta habang sinasabayan ang kanyang paglakad.

Mabuti naman daw. May himig pagbibiro na sinabihan kong baka naman kaya hindi siya pumasok ay dahil sa akin.

"Bakit naman ikaw ang magiging dahilan?" ayon kay Hazel.

Nilinaw ko kaagad na wala akong masamang ibig ipakahulugan sa aking tinuran.

Hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon. Inulit ko ang pagdiga sa kanya. Tinanong ko pa kung may ibang lumiligaw sa kanya. Sakaling mayroon man daw ay hindi na niya kailangan pang sabihin iyon sa akin.

Nag-sorry ulit ako sa maling nasabi.

Katulad ng nakaraang araw, naihatid ko si Hazel na hindi ako nakatikim ng magandang kasagutan galing sa kanya.

Subali’t masaya na rin ang pakiramdam ko dahil nagkakasundo na kami.

Napansin ko rin na kanina ay nakikipag-usap na siya sa akin ng tuluy-tuloy. Hindi katulad noong unang kinausap ko siya na parang naaasiwa dahil tahimik at halos nakikinig lang sa mga sinasabi ko sa kanya.

Matagal din ang ginawa kong panunuyo. Inabot din ng halos isang buwan bago ko nalaman kung tatanggapin ako ni Hazel.

Sinagot ako ni Hazel isang araw na hinatid ko uli siya.

Dati hanggang sa malapit lang sa kanilang lugar ang pinaghahatiran ko.

Nang araw na iyon ay bigla ba naman akong sinabihan ni Hazel na puwede ko raw siyang samahan hanggang sa bahay nila.

"Sigurado ka? Baka mapagalitan tayo ha, lalo na ikaw," sabi ko sa kanya.

Huwag daw akong mag-alala dahil madali lang naman ang sasabihin namin, na manghihiram ako sa kanya ng libro.

Pinatuloy niya ako sa loob ng kanilang bahay at ipinakilala sa kanyang nanay na nagkataong nag-iisa pa lang nang dumating kami.

Mabait din naman pala ang kanyang mga magulang bagama’t alumpihit ako dahil unang beses ko pa lang na makapunta sa bahay nila.

Mismong si Hazel ang nagsabi sa kanyang ina kung bakit kasama ako.

May hihiramin daw akong libro para sa project namin sa school kaya isinama na niya ako para kunin iyon.

Hindi na ako nagtagal pa sa kanila. Matapos iabot sa akin ni Hazel ang libro ay nagpaalam na ako sa kanyang ina.

Inihatid ako ni Hazel sa labasan at bago siya pumasok ulit ay sinabihan ako na may inipit daw siya sa libro at basahin ko na lang ito pagdating ko ng bahay.

Laman ng sulat na inipit ni Hazel sa libro ang kanyang kasagutan sa akin.

Tinanggap ni Hazel ang panliligaw ko sa kanya. Wala akong pagsidlan ng katuwaan habang binabasa ang kanyang sulat. Paulit-ulit ko pa nga itong binasa kahit maikli lang naman.

Naging kasintahan ko si Hazel na walang ibang nakakaalam sa mga kaklase namin maliban sa kababata ko na siyang naging tulay upang magkabati at magkakalapit uli kami.

Wala namang sinabi sa akin si Hazel na huwag kong ipagsasabing kami na subali’t ako na mismo ang nagpasyang huwag ipamalita ito at hayaan na lamang na sila ang kusang makaalam.

Sa una ay sinisimplehan ko lamang siya. Inaabangan ko kapag uwian na at doon lang kami nakakapag-usap at nagkakasama.

Konting panahon lang sa loob ng isang araw kami nagkakasama subali’t masayang-masaya na ako sa ganung sitwasyon bagama’t siyempre nakakabitin din dahil gustung-gusto ko na magkasama pa kami at makapag-usap ng matagal-tagal.

Nasa ikatlong taon na sana kami noon sa high school nang magpasya ang mga magulang ni Hazel na manirahan na sila rito.

Isang bagay iyon na labis kong ikinabigla at maging ni Hazel. Bakasyon pa namin noon nang magpasya ang kanyang mga magulang na bago pa dumating ang susunod na pasukan ay lumuwas ng Maynila at doon na sila magsisipag-aral ng kanyang mga kapatid.

Bibihira lang kaming magkita ni Hazel noong bakasyon kaya nabigla pa ako nang magpadala siya sa akin ng mensahe na kailangang makipagkita raw agad ako sa kanya. Wala naman siyang sinabing lugar kung saan kami magkikita kaya nagpasya ako na puntahan na siya sa kanilang bahay.

Sa pag-uusap namin ay sinabi ni Hazel ang dahilan ng biglaan niyang pagpapatawag sa akin.

Lulugu-lugo ako habang ikinukuwento niya sa akin kung bakit luluwas sila ng Maynila.

Hindi ko na idedetalye pa nguni’t may kinalaman sa negosyo ng kanilang pamilya kung kaya’t kailangan nilang umalis.

Ang ikinatuwa ko lang kay Hazel ay ipinakilala na niya ako sa kanila bilang nobyo niya.

Wala naman akong narinig sa kanyang mga magulang at maging sa mga kapatid na pagtutol sa relasyon namin.

Kinausap pa nga ako ng kanyang ina at sabi’y huwag muna raw namin masyadong seseryosohin ang relasyon dahil napakabata pa namin ni Hazel.

Marami pa raw pagkakataon na darating sa amin at anong malay ko raw kung sadyang kami ang para sa isa’t isa ay magaganap iyon anuman ang mangyari habang magkalayo kami.

Natutuwa ako na nalulungkot sa mga pangyayari. Wala akong magagawa para hadlangan ang kanilang naging desisyon.

Inihatid ko pa sila nang araw na bumiyahe na papuntang Maynila. Kitang-kita ko sa mukha ni Hazel ang kalungkutan sa biglaan naming pagkakalayo.

Malungkot din ako at pinilit ko na huwag nang ipakita ito sa kanya nguni’t hindi ko pala kayang gawin. Ayoko sanang makita ni Hazel na pareho kaming nalulungkot sa huling araw ng pagkikita namin. Bagsak na bagsak ang kalooban ko.

Unang gabi nang umalis sina Hazel ay siya lang ang laman ng isip ko. Ganu’n pala ang umibig sa murang edad pa lamang.

Walang iba sa isip ko kundi si Hazel lang. Parang sa aming dalawa lang umiikot ang mundo.

Nagbalik sa aking alaala ang lahat mula noong hindi ko pa siya napapansin hanggang sa magalit siya sa akin at pinakahuli nga itong nagkabati kami nang niligawan ko siya at sinagot naman ako.

Matagal din bago ako nakabangon.

Pinaghilom ng paglipas ng panahon ang kalungkutan na iniwan ng kanyang alaala sa akin.

Nakabalik din ako sa dati nguni’t hindi ko pa rin siyempre nakalimutan si Hazel dahil siya ang unang babaeng inibig ko ng ganito.

Nakapagtapos ako ng high school hanggang nag-aral sa kolehiyo na wala na akong nabalitaang anuman tungkol sa kanya.

Limot ko na rin ang nakaraan. Wala na ang kalungkutan na iniwan ng paghihiwalay namin ni Hazel. Nagkaroon na rin ako ng iba pang kasintahan.

Subali’t siguro nga ay ganu’n ang tadhana. Hindi mo masabi kung ano ang magaganap sa hinaharap.

Muling pinaglalapit ang dalawang tao kahit matagal nang hindi nagkikita at walang komunikasyon sa bawat isa.

Ganito ang nangyari sa amin ni Hazel na hindi ko sukat akalain ay magkikita pang muli kami.

Nagtatrabaho na ako noon at minsan ay naimbitahan sa isang pabinyag ng kasamahan ko.

Siyempre, pagkatapos ng binyagan ay kainan at inuman.

Hindi pa uso noon ang cellphone. Ang ‘in’ pa dati ay beeper. May nagpadala ng message sa akin at nagkataon naman na walang telepono sa bahay ng kaibigan ko.

Importanteng makausap ko kaagad kaya nagpaalam ako sandali sa kanila na lalabas lang para makatawag sa pay phone.

Kausap ko na sa telepono ang tinawagan ko nang mapansin ko ang isang kulay asul na kotse na pumarada sa tapat ng tindahan.

May bumabang babae, maganda ang bihis at naka-sunglasses pa.

Habang nakikipag-usap ako ay panay ang tingin ko roon sa babae.

Takaw-pansin nga dahil kahit ibang lalaki o babae man doon sa labas ay napatingin sa kanya.

Hindi pa rin umaalis ‘yung babae hanggang sa matapos ang pag-uusap namin ng tinawagan ko.

Mag-isa lang siya at nakatayo roon sa harapan ng kanyang kotse na parang may hinihintay.

Babalik na sana ako sa bahay ng kaibigan ko nang bigla siyang mapalingon sa akin. Sabay sa kanyang pag-alis ng salamin ay tinawag ako.

Si Hazel ang babaeng tinutukoy ko. Nakilala pa rin niya ako bagama’t napakatagal na panahong hindi na kami nagkikita.

Gumanda pa lalo siya at mukhang umasenso na. Napatingin sa akin ang mga tao roon sa labasan nang marinig na tinawag ako ni Hazel.

Muntik ko na palang makalimutang banggitin na noong nagtatrabaho na ako ay nasa Maynila na rin ako.

Lumuwas ako nang mag-aral na sa kolehiyo. Sinuwerte namang makatapos at nakapasok sa isang kumpanyang maganda rin naman ang takbo. Kaya nang magkita kami ni Hazel ay dito na nangyari iyon sa Maynila.

Kumustahan at konting kuwentuhan. Nagtatrabaho na rin pala si Hazel sa isang malaking kumpanya at nasa sales siya.

Kaya naroroon siya sa lugar na iyon dahil may usapan daw sila ng kanyang kasamahan na nakatira roon.

May isasara silang kontrata sa isang kliyente kaya’t dinaanan na n‘ya ang kanyang kasamahan para sabay na silang pumunta sa kausap nila.

Tinanong ko kung kailan pa siya huling pumunta sa probinsya namin. Matagal na raw hindi siya umuuwi simula noong umalis sila. Sa Maynila pa rin naglalagi ang kanyang mga magulang samantalang ang iba niyang kapatid ay nasa abroad na.

Ako naman ang tinanong niya kung doon daw ba ako nakatira sa lugar na iyon. Hindi kako dahil naimbitahan lang ako ng isang kasamahan din sa trabaho na nagpabinyag.

Sabi ko, bakit hindi na lang niya puntahan sa bahay ‘yung kasamahan n‘ya. Hindi na raw kailangan dahil tinawagan na niya bago pa siya dumating at maya-maya rin lang siguro ay lalabas na iyon.

Maya-maya nga ay may babaeng lumabas sa bahay na katapat ng tindahan kung saan eksaktong ipinarada ni Hazel ang kanyang sasakyan.

Ipinakilala ako ni Hazel doon sa babae at nagpaalam na sila sa akin na aalis. Nakasakay na sila at inihatid ko pa ng tanaw ang pag-alis ng kotse subali’t hindi pa man gaanong nakakalayo ang kanilang sasakyan ay huminto ito.

‘Buti na lang nakatingin pa rin ako sa sasakyan nila kaya nakita ko nang bumukas ang bintana sa driver’s seat.

Kinawayan ako ni Hazel kaya lumapit agad ako sa kanila. Sumilip ako sa loob ng kotse at inabutan ako ni Hazel ng calling card.

Tawagan ko raw siya kung may panahon ako para magkakumustahan naman kami.

Pagkatapos ay nagpaalam ulit sa akin at pinasibad na ng takbo ang kanyang kotse.

Ang liit lang ng mundo. Isipin mo, sa tinagal-tagal ng panahon na hindi kami nagkikita ay doon ko lang pala ulit siya makakaharap. Parang blessing in disguise ang pagdalo ko sa pabinyag ng aking kasamahan.

Siguro nga’y sinadya ng tadhana na muling mag-krus ang landas namin ni Hazel.

Habang naglalakad pabalik sa bahay ng kasamahan ko ay binabasa ko naman ang calling card na ibinigay sa akin.

Nandoon ang telephone number niya sa opisina at sa kanilang bahay, pati ang cellphone number.

Hindi ko napigilang maikuwento ito sa aking kasamahan pagdating ko sa bahay nila.

Sabi ko, mukhang suwerte sa akin ang pabinyag niya dahil nagkita ulit kami ng girlfriend ko noong high school pa kami.

Hindi ko na talaga inakala na magtatagpo pang muli ang landas namin ni Hazel.

Ang totoo niyan, nang muli kaming magkita ay meron na akong girlfriend.

Magdadalawang taon na rin ang relasyon namin ng kasintahan ko nguni’t nang makita ko si Hazel ay ramdam na ramdam ko sa aking sarili na buhay pa rin ang damdamin ko sa kanya.

Hanggang sa pag-uwi ko ng bahay ay si Hazel ang nasa isip ko.

Ang laki ng kanyang ipinagbago. Lalong gumanda.

Apelyido pa rin niya sa pagkadalaga ang nakasulat sa calling card na ibinigay sa akin.

Ibig sabihin ay dalaga pa si Hazel. Subali’t ang hindi ko matiyak ay kung may nobyo na rin siya. Imposibleng wala dahil sa ganda niyang iyon ay siguradong maraming nanliligaw sa kanya.

Itinago ko ang calling card nguni’t hindi ko agad natawagan si Hazel dahil naging abala rin ako sa trabaho.

Naalala ko lang ulit nang magbukas ako ng wallet at hindi sinasadyang nakita ko ang tarheta n‘ya.

Noong una’y nag-aalinlangan pa akong tawagan siya pero naroroon ang kasabikan ko na muling magkausap kami at baka sakaling makipagkita siya sa akin.

Dial ako ng number niya sa opisina pero busy. Ibinaba ko ang telepono at nag-isip uli kung dapat ko ba siyang tawagan na lang sa cellphone. Nguni’t sa bandang huli ay nagpasya ako na tawagan na lang ulit siya sa kanilang opisina, baka sakaling nandoon siya.

Pangalawang dial ko ay nag-ring na ang telepono sa kabilang linya. Babae ang nakasagot at Ingles pa ang bati sa akin.

Tinanong ko kung naroroon si Hazel. Tinanong naman ako kung para saan daw ang tawag ko.

Personal kako at sinabi ko ang aking pangalan.

Pinaghintay lang ako sandali, maya-maya’y may nag-hello at ibang boses na, si Hazel.

Kumustahan at konting kuwentuhan ulit tapos tinanong ko kung puwede kaming magkita. Oo raw pero after office hours na.

Nang araw na iyon mismo ay nagkasundo kami na magkita.

Excited ako at inip na inip sa kakahintay na dumating ang oras ng uwian. Sa isang mall kami nagkita ni Hazel.

Nauna akong dumating dahil inagahan ko talaga para huwag siyang maghintay sa akin. Mag-isa lang na dumating si Hazel.

Siya ang nagsabi kung saang lugar kami magkikita kaya paparating pa lamang s‘ya ay natanaw ko na at nilapitan kaagad.

Mali ang pag-aakala ko na dalaga pa si Hazel. Matagal na raw siyang nakapag-asawa at katunayan ay anim na taong gulang na ang kanyang anak na lalaki. Ngunit matagal na rin daw silang hiwalay ng kanyang asawa.

Hindi sila kasal dahil nag-live in lang matapos na bigla siyang mabuntis.

Noong una’y maganda ang takbo ng kanilang pagsasama ngunit bandang huli ay na-realize nila pareho na hindi sila magkasundo sa ugali hanggang sa nagpasyang maghiwalay na lamang.

Buti natanggap ng kanyang pamilya ang nangyari sa kanya.

Ngunit halos ipagtabuyan daw siya noon ng kanyang mga magulang ng malaman na buntis at nakipag-live in.

Bumalik lang sa dati ang pakikitungo ng kanyang pamilya ng magkaanak na siya, lalo na ng maghiwalay na sila ng kanyang asawa.

Hindi nakatira si Hazel sa kanyang mga magulang. Sinikap daw niyang buhayin ang kanyang anak sa sariling pagsisikap.

Hindi raw nagbibigay ng sustento ang bata ngunit hindi na niya inasahan pa ito dahil ang mahalaga sa kanya ay matahimik ang buhay nilang mag-ina.

Single mother ang katayuan ni Hazel at kaya siya nakakapagtrabaho dahil may katulong na naiiwan sa bata at sa bahay na tinutuluyan nila.

Ikinuwento ko rin ang mga nangyari sa akin simula ng umalis sila.

Tinanong ako ni Hazel kung may asawa na rin daw ba ako.

Noon lang siya nag-usisa sa akin kung may sarili na rin akong pamilya.

Sinabi ko ang totoo na wala pa ngunit may girlfriend na. Sana raw huwag mangyari sa akin ang nangyari sa kanya.

Bakit naman, sabi ko. Kahit naman kako ganun ang naging kapalaran niya masuwerte pa rin siya dahil nakabangon.

Bago kami naghiwalay ni Hazel ay hindi ko napigilang sabihin sa kanya ang malaking panghihinayang ko sa relasyon namin.

Hindi siya kumibo bagkus ay tiningnan lang ako na parang naninimbang kung totoo ang narinig niya sa akin.

"Puwede pa naman sana kaya lang may girlfriend ka na pala," tugon ni Hazel sa akin. "Girlfriend ko pa lang naman, hindi pa sigurado kung kami ngang dalawa," sagot ko naman sa kanya.

Bago pa humaba uli ang usapan ay pinutol na ni Hazel dahil baka kung saan pa raw umabot ang pag-uusap namin.

Ako naman ang nagbigay sa kanya ng phone number ko sa opisina bago kami naghiwalay.

Kapag kailangan kako niya ng makakausap o kursunadang i-blow out ako ay huwag magdadalawang isip na tawagan ako sa numerong iyon.

Pabiro lang ang sinabi ko ngunit may konting haplos ng paglalambing sa kanya.

Tawa lang ang isinagot ni Hazel sa akin sabay nagpaalaman na kami.

Ilang linggo rin ang lumipas bago ako tinawagan ni Hazel. Nagulat pa nga ako ng tumawag siya dahil hindi ko inaasahan.

Sa opisina namin tumawag si Hazel.

Bandang uwian na noon at nagyayaya na mag-dinner daw kami.

Walang kagatul-gatol na pumayag ako. Sa mall, sa dating lugar kami nagkita.

Kagaya ng dati, mas maaga akong dumating sa usapan namin.

Na-late lang siguro siya ng tatlumpung minuto.

Kuwentuhan ulit tungkol sa buhay-buhay, lalo na sa kanyang anak. Masayang-masaya si Hazel ng araw na iyon.

Kakaiba ang glow ng kanyang mga mata habang kausap ko.

Panay ang tawanan namin dahil kung anu-anong kabulastugan ang ibinibida ko sa kanya.

Buong akala ko, pagkatapos mag-dinner at makapag-relax ng konti ay magyayaya nang umuwi si Hazel katulad ng dati kaming nagkita.

Subalit nagyaya na mamasyal daw muna kami.

Baka kako hinihintay na siya ng kanyang anak.

Kaya nga raw siya nagyayayang mamasyal para makapag-relax dahil wala sa bahay nila ang bata kasama ang yaya at doon muna sa kanyang mga magulang.

"Libre ka pala ngayon, ha," sabi ko.

Hindi ako sinagot ni Hazel, sa halip ay tinanong ulit kung sasamahan ko raw ba siyang mag-ikut-ikot muna.

"Saan mo naman balak mamasyal?" sabi ko uli sa kanya. Nakangiting sumagot si Hazel na natatakot daw siguro ako na makita ng girlfriend kong may ibang kasamang babae kaya ang dami ko pang tanong.

Hindi sa ganun na natatakot ako. Wala na naman kami kaya ano ang dapat ikatakot ko.

Hindi ko lang inakala na mamamasyal pa kami pagkatapos mag-dinner.

Kaya, nang marinig ko ang kanyang tinuran ay tinawag ko kaagad ang waiter at binayaran ang lahat ng inorder namin.

Nag-stroll kami sa mall.

Kuwentuhan pa rin habang hinay-hinay lang ang paglakad.

Hanggang sa nakaramdam ng pagod si Hazel at nagyaya na mabuti pa raw sigurong pumunta naman kami sa isang park. Pumayag na rin ako bago pa makantiyawan ulit.

Siya ang nag-drive ng sasakyan. Habang tumatakbo ang kotse ay biglang nagbago ang isip ni Hazel.

Mabuti pa raw umuwi na lang siya at sumama ako para makita ko naman ang bahay nila. Sige na lang ako sa kagustuhan ni Hazel tutal kasama ko na rin lang siya.

Asensado na nga si Hazel. Sa isang subdibisyon sa Las Piñas siya umuuwi.

Gandang-ganda ako sa bahay nila, bungalow style.

Ang sarap tumuloy roon pagkagaling sa maghapong trabaho.

Nakaka-relax ang lugar, walang ingay maliban sa dumaraan na mangilan-ngilang sasakyan ng mga nakatira roon. Pagkapasok sa bahay, tinanong ni Hazel kung ano raw ang gusto kong inumin.

Kahit ano kako, siya na ang bahala.

Iniwan niya sandali ako at pagbalik ay may dala-dala nang red wine, ice at dalawang baso.

Pagkatapos ay iniwan ulit ako dahil magpapalit lang daw siya ng damit.

Habang wala siya ay pinakialaman ko ng buksan ang telebisyon.

Nanonood lang ako nang bumalik siya sa sala. Bakit hindi ko pa raw binubuksan ang wine.

Sabi ko, hinintay ko lang siya para sabay kaming tatagay.

Tiningnan ko si Hazel. Simpleng-simple na lang ang suot niyang pambahay.

Shorts at t-shirt na lang.

Wala na rin ang kanyang make-up.

Mamasa-masa pa ang maiksing buhok tanda na naghilamos muna bago ako binalikan sa sala.

Tinabihan ako ni Hazel sa sofa kung saan ako nakaupo sabay kinuha ang red wine sa center table.

Siya na ang nagbukas at tinagayan na rin ang baso ko.

Langhap na langhap ko pa ang pabango sa katawan ni Hazel.

Nag-toast kami matapos niyang salinan ang kanyang baso.

Habang unti-unti naming inuubos ang laman ng bote ay kung anu-ano na ang aming napapag-usapan.

Napunta ang kuwentuhan namin sa girlfriend ko matapos tanungin ni Hazel kung kumusta naman daw ang relasyon namin ng nobya ko.

Okey naman kako, stable naman ang relasyon namin.

Sa puntong ito ng pag-uusap namin ay napansin kong naging seryoso ang mukha ni Hazel.

Ewan ko kung bakit bigla ko na lamang nasambit uli sa kanya na nanghihinayang ako sa nangyari sa amin noon.

Sabi ko sa kanya, akala ko hindi na kami magkikita pang muli.

Malaki rin daw ang panghihinayang niya pero nandu’n na raw iyon at marami na ang nangyari.

Nasa ganung pag-uusap kami nang lumapit si Hazel sa akin sabay niyakap ako.

Nagulat ako sa kanyang ginawa. Ngunit niyakap ko na rin siya.

Damang-dama ko na mahal ko pa rin siya.

At hindi man sabihin ni Hazel sa akin ay mababakas hindi lamang sa kanyang mukha kundi maging sa kilos na naroroon pa rin ang pagmamahal niya sa akin.

Ang sarap niyang yakapin.

Malambot ang katawan at ang bangu-bango.

Humigpit pang lalo ang pagkakayakap namin sa bawat isa.

Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nayakap namin ang isa’t isa. Hindi ko iyon nagawa noong magkasintahan pa lamang kami.

Palibhasa parehong bata pa kami noon at puppy love lang na masasabi ang aming relasyon.

Hindi ko maintindihan ang aking sarili kung bakit nagkakaganun sa harap ni Hazel.

Alam namin pareho na may nobya na ako at siya naman ay mayroon nang anak. Matagal ang pagkakayakap namin sa isa’t isa hanggang sa humantong ito sa paghihinang ng aming mga labi.

Banayad na halikan ngunit maalab.

Ramdam na ramdam ko ang pagbabalik ng damdamin namin sa bawat isa.

Makalipas ang may ilang minutong yakapan at halikan ay bigla kaming kumawala sa bawat isa na parang natauhan.

Nag-sorry ako kay Hazel. Hindi ko kako napigilan ang aking sarili nang yakapin niya ako.

Inamin ni Hazel na nadala rin siya.

"May girlfriend na ako, baka sabihin mo sinasamantala kita," sabi ko sa kanya.

Sinagot ako ni Hazel na kahit may nobya na raw ako ay ramdam pa rin niyang gusto ko pa rin siya.

Inamin ko sa kanya na totoo ang kanyang naramdaman.

Kaya lang kako, masalimuot na ang sitwasyon kung itutuloy namin ang naputol na nakaraan.

Hindi naman daw siya nagde-demand.

Basta’t kung kailangan ko raw siya ay madali ko siyang matatagpuan.

Iyon ay kung gusto ko pa rin daw siya.

Ganun nga ang nangyari sa amin ni Hazel.

Sa kabila ng may girlfriend na ako ay tinanggap pa rin ni Hazel ang sitwasyon.

Siya raw ang mag-a-adjust para sa aming dalawa.

Batid din niyang maaaring masaktan siya sa bandang huli subalit nakahanda raw siya sa mga posibleng mangyari.

Aamin ko na may namagitang sekswal sa amin. Hindi lang isa, dalawa o tatlong beses kundi higit pa siguro.

Tuwing magkikita kami ay may namamagitan sa amin.

Sa bahay nila, sa motel o kung saan namin napagkasunduang magkita.

Subalit mas madalas na tinatawagan niya ako sa opisina namin at ako ang pumupunta sa kanilang bahay.

Doon parang itinuring na rin niya akong ama ng tahanan.

Katunayan naging malapit na rin sa akin ang kanyang anak.

Maging ang yaya ng bata ay malapit na rin sa akin.

Sa kabila nito ay hindi ko pa rin nakakalimutan ang obligasyon ko sa aking nobya.

Madalas pa rin naman kaming magkita. Katulad ni Hazel, may namamagitan din sa amin.

Subalit mas madalas pa nga na kami ni Hazel ang magkasama.

May mga panahong gusto ni Hazel ay magsama na raw kami.

Ako ang umaayaw dahil ayokong dayain ang aking sarili.

Mahal ko silang pareho ng girlfriend ko.

Parang wala akong mapagpilian sa kanilang dalawa.

Kung pupuwede nga ay pareho sila sa akin habambuhay ngunit alam ko naman na hindi maaaring mangyari ang ganito.

Batid ko na bandang huli ay kailangan kong magpasya kung sino ba talaga sa kanila.

Minsan naiisip ko ano kaya kung pumayag na ako sa alok ni Hazel na magsama na kaming dalawa at doon na ako titira sa bahay nila. Subalit papaano ang gagawin ko sa aking nobya.

Siguradong masasaktan siya kapag nakipaghiwalay ako at lalo na kapag nalaman kung ano ang dahilan kaya hiniwalayan ko siya.

Buti na lang kahit kailan ay hindi pa ako pinagdududahan ng girlfriend ko.

May mga pagkakataon lang na tinatanong niya ako kung bakit parang lagi raw busy sa trabaho.

Ganun kasi ang alibi ko sa kanya kapag halimbawang matagal kaming magkasama ni Hazel at hindi ko siya napapasyalan. Hanggang ngayon ay ganito pa rin ang sitwasyon ko kay Hazel at sa aking nobya.

Wala pa akong maisip na desisyon kung sino ang pakikisamahan ko habambuhay.

Nananatiling lihim ito sa girlfriend ko.

Subalit si Hazel ay kilalang-kilala na ang nobya ko dahil ikinukuwento ko sa kanya at katunayan ay ipinakita ko rin ang litrato ng girlfriend ko.




WAKAS

Php forms powered by 123ContactForm.com | Report abuse